Talumpati sa Inagurasyon ni Pangulong Obama
Translated in Tagalog
by Jet Guerrero
01/21/09
Nakatayo ako dito ngayon puno ng pagpapakumbaba sa gawaing hinaharap natin, nagpapasalamat sa tiwalang ginawad, randam ang sakripisyo ng ating mga ninuno.
Pinasasalamatan ko si Pangulong Bush sa kanyang serbisyo sa ating bansa, ganun din sa pagbibigay at kooperasyong pinakita nya sa proseso ng transisyon.
Apatnapu't apat nang Amerikano ang sumumpa bilang Pangulo.
Ang mga talumpati'y binigkas sa gitna ng tumataas na alon ng kayamanan at tahimik na tubig ng kapayapaan.
Ngunit, madalas din, na ang panunumpang ito'y ginawa sa makulimlim na ulap at malakas na bagyo.
Sa mga pagkakataong ganito, nagpatuloy na sumulong ang Amerika di lang dahil sa galing o pananaw ng mga nasa mataas na poder, ngunit dahil Tayo ang Sambayanan ay nanatiling tapat sa mga adhikain ng ating mga Tagapagtatag at masunurin sa mga dokumento ng Pagkakatatag.
Kaya't ganoon nga noon. Kaya't ganito dapat para sa Henerasyong ito ng mga Amerikano. Na nasa krisis tayo ngayo'y naiintindihan ng lahat.
Ang bayan natin ay nasa gitna ng digmaan, laban sa malawak na alyansa ng karahasan at galit.
Ang ekonomiya nati'y lubhang pinahina, bunga ng kasakiman ng ilan, ngunit bunga rin naman ng sama-samang kabiguan na ihanda ang ating bayang gumawa ng mahihirap na mga pagpili at ihanda ito para sa bagong panahon.
Nawala ang mga tahanan at hanap-buhay, may mga negosyong nalugi.
Ang ating sistemang pangkalusugan ay di-abot kamay ng mamamayan; binigo ng ating mga paaralan ang marami; at ang bawat araw ay ebidensya na ang mga gawi natin sa paggamit ng eherhiya ay nagpapalakas lamang sa ating mga kaaway at inilalagay ang buong planeta sa panganib.
Ito ang mga indikasyon ng krisis, na may datos at istatistika.
Ngunit ang nawala na di masusukat ng datos pero higit na mahalaga ay ang kawalan na ng tiwala sa sarili na lumunod sa ating bansa - isang umaambang takot na ang pagbagsak ng Amerika ay sigurado na; at dapat na lamang na ibaba ng susunod henerasyon ang kanilang ambisyon.
Ngayong araw na ito mismo ay sinasabe ko sa inyo: na ang mga pagsubok na ating hinaharap ay tutoo. Malubha ang mga ito at marami.
Hindi sila kayang harapin ng madalian o maayos ng maikling panahon. Pero ito ang alam ko, Amerika -- kaya nating harapin ito.
Sa araw na ito, ay pinili natin ang pag-asa imbes na takot; pinili natin ang pagkakaisa imbes na pagkakahati-hati.
Ngayong araw na ito, ay naninindigan tayo para wakasan ang mga walang kwentang reklamo at mga pangakong napapako, mga alitan at mga dogmang laos, na matagal nang sinakal ang ating pulitika.
Nanatili tayong batang nasyon, pero katulad ng sabe ng Kasulatan panahon na upang isantabe ang mga gawing pangmusmos.
Panahon na upang muling panindigan ang ating walang kamatayang diwa; upang piliin ang ang mas magandang kasaysayan; upang sumulong na dala itong walang tumbas na regalo, itong dakilang ideya na ipinasa sa bawat henerasyon; ang pangako ng Maykapal na lahat ay pinanganak na pantay, lahat ay malaya at lahat ay dapat bigyan ng oportunidad upang sundin ng buong sukat ng kanilang kaligayahan.
Sa ating patuloy na pagtitiwala sa kadakilaan ng ating bansa, naiintindihan natin na ang kadakilaan ay hindi libre.
Ito'y dapat na pinaghihirapan.
Ang ating paglalakbay ay hindi kailanman dapat tahakin sa isang shortkat o di kaya'y makuntento tayo sa pwede na yan.
Ito'y hindi lakbay ng mga duwag, hindi ito para sa mga gustong maglibang lamang at ayaw magtrabaho o kaya'y para sa mga naghahanap lamang ng yaman at katanyagan.
Bagkus, ito'y para sa mga handang makipagsapalaran , ito'y para sa manggagawa----may tanyag na ilan ngunit mas marame ang nasa anino ng lipunan, nagdala sa ating lahat sa mahaba at baku-bakong daan tungo sa kayamanan at kalayaan.
Para sa atin, sila'y nag-impake ng kanilang mga gamit at naglayag sa malawak na mga karagatan upang humanap ng bagong buhay.
Para sa atin, gumawa sila sa mga mainit at masikip na pabrika at namahay sa Kanluran, tiniis nila ang mga hagupit ng latigo at nagbungkal ng tigang na lupa.
Para sa atin, sila'y lumaban at nagbuwis ng buhay, sa Concord at Gettysburg, Normandy at Khe Sahn.
Muli't muli ang kalalakihan at kababaihang nauna sa atin ay nakibaka at nagsakripisyo at nagtrabaho hanggang nagkatuklap-tuklap ang kanilang mga kamay para mabigyan tayo ng mas masaganang buhay.
Nakita nila ang Amerika na mas malaki kesa sa pinagsama nilang personal na mga ambisyon, mas dakila kesa sa mga diperensya ng lugar ng kapanganakan o ng yaman o ng partido.
Ito ang paglalakbay na tinutuloy natin ngayon.
Nananatili tayong pinakamayaman, pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.
Ang sipag ng manggagawa natin ngayon ay di naman nabawasan nang nag-umpisa ang krisis.
Ang ating talino ay di naman nabawasan ang pagiging mapag-usisa, ang hangarin para sa ating produkto at serbisyo'y di naman nabawasan noong nakaraang linggo,o nakaraang buwan o nakaraang taon.
Ang ating kapasidad sa produksyon ay di naman nabawasan.
Ngunit ang panahon ng pagwawalang-bahala, ng pagprotekta lamang sa makikitid na interes, at ang pagpapasabukas ng mga desisyong di kaaya-aya----ang panahong iyo'y lipas na.
Simula ngayong araw na ito, ibangon natin ang ating mga sarili, pagpagin ang alikabok sa ating katawan, at simulan natin muli ang gawain upang muling itayo ang Amerika.
Dahil kahit saan tayo tumingin: may gawaing naghihintay.
Ang kalagayan ng ating ekonomya ay naghahanap ng pagkillos , mabilis at pangahas, at tayo'y kikilos----hindi lamang para lumikha ng bagong trabaho, kundi para magtayo rin ng bagong pundasyon para sa paglago.
Magtatayo tayo ng mga kalsada at tulay, mga daanan ng kuryente at linyang digital nag magsisilbi sa ating komersyo at magbubuklod sa ating lahat.
Ibabalik natin ang agham sa kanyang tamang kinalalagyan, at gagamitin natin ang milagro ng teknolohiya upang itaas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan at upang pababain ang presyo nito.
Gagamitin natin ang araw at ang hangin at ang lupa upang patakbuhin ang ating mga kotse at pabrika.
Babaguhin natin ang anyo ng ating mga paaralan at kolehiyo at pamantasan upang mapantayan natin ang hamon ng bagong panahon.
At lahat ng ito'y gagawin natin.
Ngayon, merong mga magdududa sa tayog ng ating mga ambisyon----mga magdududa na hindi kaya ng ating sistema na tanggapin ang masyadong maraming ambisyosong plano.
Maikli ang kanilang ala-ala.
Nakalimutan na nila ang ginawa at kinaya ng bansang ito: kung ano ang kayang gawin ng taumbayan kapag sila'y pinalaya.
Kapag ang imahinasyon ay sinamahan ng nagkakaisang layunin at ang pangangailanga'y sinamahan naman ng tapang.
Ang di maintindihan ng mga mapangutyang miron ay ito: gumalaw na ang lupa na inaapakan ng kanilang mga argumento.
Ang inaamag nilang argumentong pampulitika ay wala nang saysay sa kasalukuyan.
Ang katangunan ngayon ay hindi na: kung ang gubyerno ay sobrang malaki o masyadong maliit, ang tanong na ngayon ay kung ito ba'y gumagana--------natutulungan ba nito ang mga pamilyang makahanap ng trabahong me disenteng sahod; naghahatid ba ito ng pag-aalaga sa kalusugan na abot-kaya; nagbibigay ba ito ng retirement na may dignidad.
Kung ang sagot ay OO: ang intensyon natin ay dumeretso.
Kung ang sagot ay HINDE: wawakasan natin ang mga programang di gumagana.
At tayong mga nangangasiwa ng kaban ng bayan ay dapat handa sa kwentahan------gumastos ng matipid at maayos, baguhin ang masasamang ugali, at gawin ang ating trabaho sa liwanag ng araw-----dahil sa ganitong paraan lamang manunumbalik ang tiwala ng taumbayan sa kanilang gubyerno.
At ang katanungan sa harap natin ngayon ay di rin kung ang merkado ay pwersa ng kabutihan o kasamaan.
Ang kapangyarihan nitong gumawa ng yaman ay walang katumbas, ngunit pinaalala naman sa atin ng krisis na ito na kung di ito babantayan ay pwede ring mawalan ito ng kontrol-----at ang isang bansang pumapabor lamang sa mayayaman ay di kailanman aani ng pangmatagalang kaunlaran.
Ang tagumpay ng ating ekonomiya ay hindi nagdedepende lang sa laki ng ating Gross Domestic Product, ito'y batay sa lawak ng nabibiyayaan ng kanyang pag-unlad; sa abilidad nating mag-alok ng oportunidad sa may pusong nagnanais gumawa----hinde dahil sa kawanggawa, pero dahil ito ang siguradong ruta tungo sa kabutihang panglahat.
Tungkol naman sa tanggulang pambansa, di na natin tinatanggap ang kinagawiang maling pagpipilian sa pagitan ng ating kaligtasan at ng ating mga adhikain.
Ang ating mga Tagapagtatag ay humarap sa mga bantang higit na mas mapanganib ngunit sa kabila nito ay gumawa sila ng Konstitusyon upang maisiguro ang paghahari ng batas at karapatang pantao, isang Konstitusyong lalo pang pinalawak sa pagdanak ng dugo ng mga henerasyong sumunod.
Itong mga adhikaing ito'y nagsisilbing ilaw sa mundo at hindi natin ipagpapalit ito para lamang maging madali ang ating pagtatanggol sa ating bayan.
Kaya't sa lahat ng mga taumbayan at mga gubyernong nanunood ngayon mula sa mga pinakamalalaking kapitolyo hanggang sa pinakamunting baryo katulad ng kung saan ipinanganak ang aking Ama; malaman nyo na ang Amerika ay kaibigan ng lahat ng nasyon at lahat ng kalalakihan, kababaihan at kabataan na naghahangad ng mas magandang bukas na may kapayapaan at dignidad; at handa na kaming muling mamuno.
Tandaan na ang mga nakaraang henerasyon ay ginapi ang pasismo at komunismo hindi lamang sa pamamagitan ng misel at mga tangke ngunit sa lakas ng mga alyansa at katatagan ng ating paninindigan.
Nainintindihan nila na ang kung kapangyarihan lamang ang gamit ay hindi tayo talagang mapagtatanggol, at hindi kailanman ito dapat gamitin upang gawin kung ano lamang ang gusto natin.
Datapwa't alam nilang ang ating Lakas ay lalong lumalakas sa paggamit nito sa wastong paraan; ang ating seguridad ay nanggagaling sa kawastuhan ng ating mga adhikain; sa pwersa ng ating ehemplo; sa paghihinay na nanggagaling sa pagpapakumbaba at pagpipigil.
Tayo ang tagapag-ingat nitong pamanang ito.
Gabay ng mga prinsipyong ito sa muli, mahaharap natin ang mga bagong banta na naghahangad ng mas mas mabigat na pagbabaka----mas matatag na kooperasyon and mas malalim na unawaan ng bawat bansa.
Magsisimula tayong umalis sa Iraq ng responsable at ibalik ang pagtatanggol nito sa sarili nilang taumbayan, at magpanday ng isang pinaghirapang kapayapaan sa Afghanistan.
Sa pakikipag-alyansa sa mga lumang kaibigan at mga dating kaaway, tayo'y magpupunyaging walang pagod para mabawasan ang bantang nukleyar; at labanan ang multo ng global warming.
Hindi tayo humihingi ng paumanhin sa ating pamumuhay na kinagawian o di kaya'y manghihina sa pagtatanggol nito, at para sa ibang may intensyong isulong ang kanilang mga adhikain sa gamit ng pananakot at pagpapatay ng mga sibilyan, sinasabe namin ngayon sa inyo na ang aming diwa ay mas malakas ngayon at hindi nyo ito mababali; hindi nyo kaming mapagpupunyagian, at dudurugin namin kayo.
Dahil alam namin na ang aming pagiging isang tagpi-tagping bansa ay pinanggagalingan ng aming lakas at hindi ng kahinaan.
Kami'y nasyon ng Kristyano at Muslim, Hudyo at Hindu---at ng mga Di-Naniniwala.
Kami'y hinuhubog ng bawat wika at kulturang galing sa iba't ibang bahagi ng mundo; at dahil natikman na namin ang mapait na baso ng gera sibil at segregasyon; at kami'y bumangong mas malakas at higit na nagkakaisa sa madilim na mga kabanatang ito; hindi namin mapigilang isiping ang mga lumang galit ay matutunaw balang-araw; na ang mga linya ng tribo ay unti-unitng maglalaho; na habang ang ating mundo'y lalong lumiliit; ang ating iisang pagkatao ay magpapakitang-mukha; at ang Amerika ay magiging kasama muli sa pagsulong ng bagong panahon ng kapayapaan.
Sa mga nasyong Muslim, naghahangad kami ng bagong landas pa-abante, base sa interes na nagtutugma at respetong magkatugma.
Sa mga lider naman sa mundo na gustong maghasik ng alitan o di kaya'y sisihin ang lahat ng kanilang prublema sa kanilang lipunan sa Kanluran-----isaisip ninyo na huhusgahan kayo ng inyong taumbayan hindi sa inyong mga nawasak kundi sa inyong mga nagawa.
Sa mga kumakapit sa poder sa pamamagitan ng korapsyon at panlilinlang at sa pagpigil sa mga boses na tumututol, alamin nyong nasa maling panig kayo ng kasaysayan; ngunit handa kaming kamayan kayo kung handa naman kayong buksan ang inyong mga matigas na kamao.
Sa mga taumbayan ng mahihirap na bansa; nangangako kaming tumulong upang mapalago ang inyong kabukiran at mapaagos ang malinis na tubig dito; upang pakainin ang mga nagugutom na katawan at punuan ang mga kumakalam na isipan.
At sa mga bansa namang tulad naming nakararangya, sinasabe naming di na tayo dapat maging bulag sa mga naghihirap sa labas ng ating mga bansa; o di kaya'y patuloy na umubos ng yamang kalikasan na walang pasubali sa epekto nito.
Dahil ang daigdig ay nagbago na; dapat din tayong magbago kasabay nito.
Habang tinitingnan natin ang landasin na haharapin natin, inaalala natin na may mapagkumbabang pasasalamat ang mga matatapang na Amerikano na sa mga oras na ito ay nagpapatrulya sa mga malalayong disyerto at mga liblib na kabundukan.
Meron silang mensahe sa ating lahat; katulad din ng mga bumagsak nating mga bayani na nahihimlay sa Arlington meron din silang binubulong sa atin ngayong panahon.
Ginagalang natin sila hindi lamang dahil sila'y tanod ng ating mga karapatan at kalayaan, ngunit dahil din sila'y kumakatawan sa diwa ng serbisyo, ang maluwag sa kaloobang pagtingin sa saysay ng isang bagay na mas malaki kesa sa kanilang mga sarili.
Pero, ngayong sandaling na ito, isang sandaling na magpapakita ng mukha ng henerasyong ito-----ito mismo ang diwa na dapat na pumasok sa ating lahat.
Kahit ano ang kaya at dapat gawin ng gubyerno, nasa kamay pa rin ng pananampalataya at determinasyon ng sambayanang Amerikano ang kinabukasan ng bansa.
Ito ang matulunging diwa na nagpapatuloy sa ating tahanan sa mga estranghero sa panahong gumuho ang mga dam, ang paglimot sa sarili ng mga manggagawang handang mabawasan ang kanilang sahod upang di mawalan ng trabaho ang kanilang mga kaibigan; itong diwang ito ang ilaw natin sa madidilim nating mga oras.
Ito ang katapangan ng ating mga bumberong umakyat sa hagdanang puno ng usok, katulad din ng kahandaan ng isang magulang na arugain ang kanyang anak, ito ang magtatakda sa ating tadhana.
Maaring bago ang ating mga pagsubok.
Maaring bago ang mga kagamitan natin upang harapin ang mga ito.
Ngunit ang mga paniniwala at mga pinahahalagahang ideya kung saan nakasalalay ang ating tagumpay--katapatan at kasipagan sa trabaho, katapangan at patas na labanan, pagtanggap sa iba at -----pagkamausisa, katapatan at pagkamakabayan-----ang mga bagay na ito ay luma.
Ngunit ang mga bagay na ito ay wasto.
Ito ang mga tahimik na pwersa ng progreso ng ating kasaysayan.
Kaya't ang hinihingi sa atin ngayon ay ang pagbalik sa mga katotohanang ito.
Ang hinihingi sa atin ngayon ay bagong panahon ng responsibildad---isang pagkilala sa parte ng bawat Amerikano, na meron tayong mga tungkulin sa ating mga sarile, sa ating bayan, at sa mundo, mga tungkuling hindi natin napipilitang tanggapin bagkus mga tungkulin masaya nating kukunin, matatag sa ating paniniwalang walang mas kalugod-lugod pa sa ating diwa, walang mas nagpapakilala ng ating karakter, na hihigit pa sa ating pagbibigay ng lahat para sa isang mahirap na gawain.
Ito ang presyo at pangako ng citizenship.
Ito ang pinanggagalingan ng ating tiwala sa sarili---ang kaalaman na ang Diyos ang tumatawag sa atin upang hubugin ang ating di-tiyak na tadhana.
Ito ang kahulugan ng ating kalayaan at ng ating pinaninindigan
----- kung bakit ang bawat lalaki't babae ng bawat lahi at relihiyon ay pwedeng magsama-sama upang magdiwang sa malawak na Mall na ito, at kung bakit ang isang anak ng isang ama na wala pang animnapung taon ang nakalipas ay maaring di silbihan sa isang lokal na restawran. Parehong anak na iyon na nakatayo sa harap ninyo ngayon upang gumawa ng isang marangal na panunumpa.
Kaya't halikayo't ipagdiwang ang araw na ito sa ating mga ala-ala, nang kung sino tayo at kung gaano kalayo na ang ating nalakbay.
Nuong taon ng kapanganakan ng Amerika, sa gitna ng malamig na panahon, isang maliit na grupo ng mga makabayan ang nagpapa-init sa maliit at namamatay na apoy ng kanilang kampo, sa pampang ng isang nagyeyelong ilog.
Ang Kapitolyo ay wala nang tanod.
Dumarating na ang kaaway.
Ang niyebe ay nababahiran pa ng dugo.
Nuong panahong ang kahihitnan ng rebolusyon ay nasa seryosong peligro, ang ama ng ating bayan ay nag-utos na basahin ang mga salitang ito sa hanay ng taumbayan:
"Hayaang malaman ng buong mundo sa hinaharap......na sa gitna ng taglamig, noong wala nang natitira kundi pag-asa at kabutihan.....na ang siyudad at ang bayan, ang sambayanan bagaman nagitla sa pagdating ng kaaway, ay sumulong upang harapin (ito)."
Amerika.
Sa harap ng panganib na nagbabanta sa ating lahat, sa taglamig ng ating paghihirap, tandaan natin ang mga salitang ito na panghabang panahon.
Kaaakbay ng pag-asa at kabutihan, muli tayong sumulong sa malamig na agos, at pagpunyagian ang mga bagyong maaaring dumating.
Hayaan nating masabi ng ating mga kaapu-apuhan na nuong panahong sinubukan tayo hindi tayo sumuko at hindi tayo tumigil sa mahirap na paglalakbay na ito, hindi tayo umatras at hindi tayo nagduda; at habang ang ating mga mata ay nakatingin sa kagiliran at kasama ng grasya ng Dyos sa ating lahat; ginamit nating muli ang dakilang regalo ng kalayaan at ipinasa natin ito ng ligtas para sa susunod na mga henerasyon.
Salamat.
Pagpalain kayo ng Dyos at pagpalain ng Dyos ang Estados Unidos ng Amerika.
END